NAGLABAS ang Commission on Elections (Comelec) ng desisyong nagbabasura sa isang petisyon na humihiling na madiskuwalipika sa midterm polls si incoming Senator at dating ACT CIS partylist Rep. Erwin Tulfo.
Napag-alaman kay Comelec Chairman George Garcia na sa pitong pahinang resolusyon na may petsang Hunyo 5, 2025, ibinasura ng Comelec en banc ang motion for reconsideration na inihain ng isang dating abogado at ng Graft-free Philippines Foundation Inc., dahil sa kawalan nito ng merito.
“The Commission En Banc finds it unnecessary to discuss the same, considering that no merit has been found in any of the arguments raised in this Motion for Reconsideration,” saad ng bahagi ng resolusyon.
Matatandaang una nang ibinasura ng Comelec ang naturang petisyon kung saan tinukoy ang US citizenship ni Tulfo at umano’y paglabag sa equal access sa oportunidad sa public service bilang ground ng pagdiskuwalipika sa kanya.














