Sa 12-pahinang desisyon na inilabas ng Commission on Elections (Comelec) En Banc nitong Lunes, pinagtibay nito ang resolusyong nagdedeklara kay Bienvenido “Benny” Abante bilang duly-elected na kinatawan ng Manila 6th District ng Maynila sa katatapos na May 12, 2025 elections.
May petsang Hunyo 30, ang desisyon ay nagba-basura sa apela o motion for reconsideration na inihain ni Luis “Joey” Chua Uy laban sa resolusyong inilabas ng poll body noong Hunyo 18 na nagpapawalang-bisa sa kanyang certificate of candidacy (COC) at nagdedeklara kay Abante bilang siyang nanalo sa nakaraang halalan.
“The proclamation of Respondent LUIS ‘JOEY’ CHUA UY is hereby ANNULLED,” ayon sa bahagi pa ng desisyon ng Comelec En Banc.
“Petitioner BIENVENIDO ‘BENNY’ MIRANDO ABANTE, JR., the only qualified candidate who garnered the highest number of votes is hereby declared as the duly elected Member of the House of Representatives for the Sixth (6th) District of the City of Manila,” saad pa nito.
Kung matatandaan, si Chua ay iprinoklamang nanalong mambabatas sa ikaanim na distrito ng Maynila noong midterm polls sa napakaliit na lamang na mahigit 1,000 boto lamang laban kay Abante. Naghain ng petisyon si Abante laban kay Chua at kinuwestiyon ang citizenship nito, na kinatigan naman ng poll body.
Nanindigan ang Comelec na si Uy ay hindi ‘natural-born Filipino citizen’ kundi isang ‘naturalized Filipino citizen’ kaya’t hindi kuwalipikadong tumakbo sa posisyon bilang miyembro ng House of Representatives.














