Latest News

Comelec: Pagsusuot ng campaign shirts sa election day, iwasan

PINAALALAHANAN ng isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang mga botante laban sa pagsusuot ng mga campaign shirt sa pagtungo sa mga polling precincts sa araw ng halalan sa Mayo 9.

Ang campaign shirt ay yaong may nakaimprentang mukha o pangalan ng mga kandidato.

Paglilinaw naman ni Comelec Commissioner George Garcia, maaari pa ring magsuot ang botante ng damit na may kulay ng isang kandidato.


“Di po tayo magdidikta at hindi natin ipo-prohibit ang isang botante na nakasuot ng kulay ng isang kandidato… pero iwasan po natin magsuot ng mga damit na merong mukha ng kandidato,” ani Garcia.

Mahigpit rin aniyang ipinagbabawal ang pagdadala ng mga campaign paraphernalia sa mga polling precincts, gaya ng face masks, baller, damit, at iba pa.


Hindi na rin aniya pinahihintulutan pa ang pamimigay ng mga sample ballots sa araw ng halalan.

“Tandaan po natin, bawal na po ang pangangampanya sa Mayo 9,” aniya pa.


“Kapag po kayo nagsuot ng face mask na may mukha ng kandidato, baller o damit na may mukha ng kandidato, ‘yan po ay siguradong sigurado ako io-object ng mismong watcher sa loob ng polling precinct,” ani Garcia. (Jaymel Manuel)

Tags: Commission on Elections (Comelec)

You May Also Like

Most Read