Latest News

Comelec, pabor sa sabay na pagdaraos ng 2025 NLE at plebisito para sa Cha-Cha

By: Anthony Quindoy

Pabor ang Commission on Elections (Comelec) na isabay sa 2025 National and Local Elections (2025 NLE) ang pagdaraos ng plebisito para ratipikahan ang mga panukalang pag-amiyenda sa 1987 Constitution simultaneously.

Sa isang ambush interview kahapon, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na okey sa kanila na sabay na idaos ang plebisito at midterm polls dahil bilyong piso aniya ang matitipid dito ng pamahalaan.

Ipinaliwanag pa ng poll chief na maaaring gumastos sila ng P13 bilyon sa isang hiwalay na plebisito.


“Okay na okay po ang Commission on Elections kung sakaling pagsasabayin, lalo na kung ang purpose nito ay ang makatipid. Kapag po kasi hiniwalay natin ang isang plebisito, aabutin po ng P13 bilyon ang magagastos.. para kang nagpapa-hold ng isang Barangay and SK Elections,” ayon pa kay Garcia.

“Medyo hahaba lang po nang konti ang atin pong balota, subalit wala pong magiging karagdagang gastos, wala pong karagdagan sa mga supplies at iba pang gamit. At the same time, may kakayahan ang ating makina kung sakaling ‘Yes or No,’” aniya pa.

Dagdag pa niya, sa isang pag-aaral ng Comelec Law Department, maaaring pagsabayin ang NLE at plebisito dahil wala naman umanong probisyon ng batas na nagsasabing bawal itong gawin.

“At the same time, ‘yung sina-cite na desisyon ng Occena vs. Comelec ay hindi naman daw specific na nailagay na bawal talaga na pagsabayin, basta dapat magkaroon ng massive information dissemination para lang alam ng mga mamamayan kung ano ‘yung binoboto nila,” aniya pa.


Noong Lunes, una nang sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na mismong si Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nagsabi na nais niyang isagawa ang plebisito para sa Charter change (Cha-Cha), kasabay ng 2025 elections.

Tags: Commission on Elections (Comelec)

You May Also Like

Most Read