TUTOL ang isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) sa panukalang magtayo ng COVID-19 vaccination sites sa mga polling precincts upang makapagbakuna ng mga botante sa election day sa Mayo 9.
Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, hindi ang mga polling places ang tamang venue para sa pagbabakuna ng mga tao laban sa COVID-19.
Dagdag pa niya, kung maglalagay ng bakunahan sa polling precincts ay maaari rin itong magdulot ng kalituhan sa mga botante.
Nilinaw naman ni Garcia na ang kanyang tanggapan ay wala pang natatanggap na anumang recommendation letter mula sa Department of Health (DOH) hinggil sa pagtatayo ng vaccination centers para sa mga botante sa araw ng halalan.
Sakali naman aniyang may matanggap siya hinggil dito ay tiyak na hindi niya ito aaprubahan dahil hindi ito ang tamang panahon para isagawa ito.
“Ako po personally, as a member of the Commission, mukhang hindi po yata tama, sa aking palagay. With all due respect sa DOH, siyempre po we have to focus sa elections muna. We have to allow our voters to vote first. ‘Wag na muna natin isabay sa pagboto,” paliwanag pa ni Garcia, sa Kapihan sa Manila Bay forum.
Giit pa ni Garcia, ang mga vaxx sites sa polling precincts ay maaari ring magbigay ng maling impresyon sa mga botante na kailangan muna nilang magpabakuna bago sila payagang makaboto.
“Baka sabihin ng mga botante na requirement pala ang pagbabakuna eh baka matakot ‘yung iba na pumunta lalo na ‘yung unvaccinated dahil sa kanilang paniniwala kung personal man o religious o whatever,” dagdag pa ng poll commissioner.
Noong Lunes, sinabi ni Infectious disease expert Dr. Edsel Salvana, na miyembro ng Technical Advisory Group ng DOH, na magiging kumbinyente para sa mga botante kung mabibigyan na rin sila ng pagkakataon na makapagpabakuna na rin laban sa COVID-19 o makapagpaturok ng booster shot, sa kanilang pagboto sa Mayo 9. Malaking bagay rin aniya ito upang mapalawak pa ang vaccination coverage ng bansa.
Klinaro naman ni Garcia na hindi siya tutol sa pagbabakuna, ngunit nanindigan na ang Mayo 9 ay dapat na ilaan lamang para sa halalan.
Paliwanag niya, ang mga polling centers ay fully-controlled rin aniya ng Comelec, at anumang mangyari doon ay sakop ng kanilang hurisdiksiyon.
Nang matanong naman kung imumungkahi ba niyang suspindihin muna ng pamahalaan ang national COVID-19 vaccination sa araw ng halalan upang makaboto ang publiko, sinabi ni Garcia na, “Yes. Siguro naman hindi malaking kawalan din kung isang araw na lang ‘yun ay ma-reserve na natin sa pagboto ng mga kababayan natin.”
Una nang sinabi ni Garcia na hindi mandatory para sa mga rehistradong botante na magpakita ng COVID-19 vaccination card at negatibong resulta ng RT-PCR o antigen test bago makaboto.
Hindi na rin aniya required ang mga botante na magsuot ng face shield, dahil sapat na anila ang face mask upang makapasok sa mga polling precincts at bumoto. (Jaymel Manuel)














