Latest News

Comelec, nagdagdag pa ng pilot sites para sa pilot testing ng Register Anywhere Project

Inianunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) nitong Linggo na nagdagdag pa sila ng mga pilot sites upang pagdausan ng pilot testing para sa kanilang Register Anywhere Project (RAP).

Nabatid na magkakaroon na rin ng pilot sites ng RAP sa Robinson’s Mall Tacloban, Barangay Baras Baras, Tacloban City; SM City Legazpi, Imelda Roces Avenue, Zone 9, Barangay 37 Bitano, Legazpi City, Albay; at maging sa Robinson’s Mall Naga, Naga City, Camarines Sur.

Una nang sinabi ng Comelec na magsasagawa ng pilot testing sa RAP sa limang piling malls sa National Capital Region (NCR), kabilang ang SM Mall of Asia sa Pasay City, SM Fairview sa Quezon City, SM Southmall sa Las Piñas City, Robinson’s Place Manila, at Robinson’s Galleria sa Quezon City.

Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, isasagawa ang proyekto tuwing Sabado at Linggo mula Disyembre 17 hanggang Enero 22, 2023.

Wala naman aniya silang isasagawang voter registration sa Disyembre 24, 25, 31, 2022 at Enero 1, 2023.

Sinabi pa ni Laudiangco na ang RAP ay idaraos rin sa ilang government sites gaya ng Senate of the Philippines sa Pasay City sa Enero 25, 2023; House of Representatives sa Quezon City ngunit wala pang petsa kung kailan ito maidaraos, at sa Government Service Insurance System (GSIS) Main Office sa Pasay City na wala pa ring eksaktong petsa. (Anthony Quindoy)

Tags:

You May Also Like

Most Read