Muli na namang ipinagpaliban ng Commission on Elections (Comelec) sa Sabado, Enero 25, ang pag-iimprenta ng mga balotang gagamitin para sa National and Local Elections (NLE) na idaraos sa May 12, 2025.
Ito, ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ay bunsod na rin ng panibagong temporary restraining orders (TROs) na inisyu ng Korte Suprema sa dalawang kandidato para sa midterm polls.
Sinabi ni Garcia na dapat sana ay nitong Miyerkules, Enero 22, sisimulang muli ng poll body ang ballot printing ngunit dahil sa panibagong TROs na inisyu ng Mataas na Hukuman pabor sa kandidatura nina Francis Leo Marcos, na tumatakbo sa pagka-senador, at Noel Rosal, na tumatakbo naman sa pagka-gobernador ng Albay, ay nagpasya silang ipagpaliban itong muli.
Nagpasalamat naman si Garcia sa Mataas na Hukuman dahil kaagad nitong inilabas ang panibagong mga TRO bago pa man muling nasimulan ng poll body ang pag-iimprenta ng mga balota.
Matatandaang una nang ipinatigil ng Comelec ang ballot printing matapos na isyuhan ng Korte Suprema ng TROs ang limang kandidato, na ang mga pangalan ay kailangang maisama sa mga iiimprentang balota para sa eleksiyon.
Dahil diyan ay nasayang ang may anim na milyong balota, na nagkakahalaga ng P132 milyon.