COMELEC MAGSASAGAWA NG MOCK ELECTION SA OVERSEAS VOTERS

By: Victor Baldemor Ruiz

Nakatakdang magsagawa ng ‘mock polls’ ang Commission on Elections sa darating na Disyembre para sa tinatayang mahigit isang milyong botante sa abroad na dadagsa sa mga konsulado para bumoto para sa May 2025 midterm elections.

Ito ang inihayag ng COMELEC, matapos ang ginanap na field tests sa iba’t-ibang lugar sa United States para sa postal, online at internet voting na unang ipakikilala sa May 2025 national and local elections.


Kasabay nito ay tiniyak din ng Comelec na magpapatupad ito ng mga security measures upang maharang ang mga posibleng ‘hacking attempts’ sa gagamiting sistema.

Ayon sa paliwanag ni Commissioner Ernesto Ferdinand Maceda, Jr. ang mga lokal na eksperto at citizens’ arm tulad ng National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL), Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at Legal Network for Truthful Elections (LENTE) naman ang mangangasiwa sa local source code review.

Itinatayang gagastusan ng COMELEC ng nasa P112 milyon ang gagamiting sistema para naman sa milyon-milyong registered Filipino voters sa ibang bansa.


Inaasahan umano ng Comelec na mahigit isang milyong botante lamang ang lalahok sa pamamagitan ng online voting.

Simula Abril 13, 2025, ang mga botante sa ibang bansa ay maaaring bumoto online gamit ang mga electronic devices tulad ng mga mobile phones at laptops hanggang sa mismong araw ng halalan sa Pilipinas.


Napag-alaman na nakipag-ugnayan ang Commission sa Consul General sa New York na siyang tutulong na mailagay ang mga kiosks sa mga opisina ng konsulado upang mabawasan ang workload ng mga ito dahil sa online voting.

Kaugnay nito ay maglulunsad din ng ‘online voters education campaign’ ang konsulado at Comelec para sa ‘right of suffrage’ ng mga kababayang nasa abroad at kung paano sila makakaboto sa bagong sistema.


Tags: Commission on Elections (Comelec)

You May Also Like