Siniguro ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Garcia sa contractor Impact Hub Manila, na kanilang naging partner sa mga ginanap na pre-election debates noong nakalipas na taon, na hindi nila tatakbuhan ang kanilang obligasyon.
Ito ay matapos kumpirmahin ni Garcia na hindi pa sila nakakabayad kahit na isang sentimo sa contractor dahil patuloy na inaalam kung nasa ayos ang lahat dahil sangkot dito ang pondo ng bayan.
“Public fund was involved and it is our sworn duty to spend it only pursuant to established rules, regulations and auditing practices,” ani Garcia matapos ang ipinadalang final demand letter ng Impact Hub Manila na humihiling sa Comelec na bayaran ang utang nito na P15.3 milyon.
Matatandaan na ang nasabing pagkakautang ay nag-ugat sa pagkansela sa huling dalawang Comelec-sponsored debates sa Sofitel Philippine Plaza Manila sa Pasay City noong Abril 30 at Mayo 1, 2022 na naging dahilan ng pagkabigo ng Impact Hub Manila na mabayaran ang P14 milyon para sa hotel.
Inamin ng Impact Hub Manila na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa Sofitel pero mayroon silang kontrata sa Comelec.
Ang final demand letter ay nilagdaan ni Arty. Ma. Karla Denise Frias at ipinadala noong Mayo 8 , sa kabila nang paulit-ulit na demands ay nanatiling hindi ito nabayarang ng Comelec.














