Iniulat ng Commission on Elections (Comelec) na umaabot sa mahigit sa 88,000 Pinoy ang nagparehistro sa unang araw ng voter registration para sa 2025 midterm elections noong Lunes.
Sa datos na inilabas ng Comelec nitong Martes, nabatid na kabuuang 88,809 indibidwal ang nagpatala sa buong bansa nitong Pebrero 12 upang makaboto sa susunod na halalan.
Nabatid na pinakamaraming nagpatala sa Region IV-A na umabot sa 14,754 aplikante.
Sumunod naman ang National Capital Region (NCR) na may 10,623, Region 3 (10,143), Region VII (7,890), Region I (6,705), Region XI (4,713), Region VI (4,474), Region X (4,197), Region XII (3,846), Region VIII (3,444), Region II (3,430), at Region V (3,349).
Sumunod rin ang Caraga Administrative Region (3,206), Region IX (3,162), Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (1,781), Region IV-B (1,508), at Cordillera Administrative Region (1,172).
Pinakakaunti naman ang nagpatala sa Main Office ng Comelec sa Intramuros, Manila na nasa 412 lamang.
Anang Comelec, mula sa naturang bilang, 463 indibidwal ang nagpalista sa pamamagitan ng kanilang “Register Anywhere Program (RAP).”
Ang voter registration para sa NLE 2025 ay pormal nang nagsimula nitong Lunes, na idineklara nilang National Day for Voters.
Nakatakda itong magtapos sa Setyembre 30, 2024 lamang.
Target ng Comelec na makapagrehistro ng may tatlong milyong bagong botante sa nasabing panahon.