TINIYAK ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes na hindi opsiyon ang ‘failure of election scenario’ sa gitna ng ulat na maraming vote counting machines (VCM) ang umano’y depektibo.
“Comelec is in control of this elections,” pagtiyak pa ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo sa isang pulong balitaan.
Nauna rito, humihingi ng tugon ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., hinggil sa umano’y kaliwa’t kanang pagkasira ng mga VCMs na gagamitin sa halalan sa Mayo 9.
Paniniguro naman ni Casquejo, hindi sila magkakaproblema sa mga VCMs dahil marami silang mga repair hubs.
Ayon pa kay Casquejo, mas maraming depektibong VCMs noong 2019 elections ngunit naitawid ng Comelec ang halalan.
“Hindi tayo magkakaproblema [sa makina]. Ang daming repair hubs… Naitawid natin ‘yung 2019 elections na mas maraming defective VCMs,” pahayag pa niya.
Kasabay nito, iniulat rin ni Casquejo na mula sa 70,924 VCMs na isinailalim sa final testing and sealing (FTS) noong Huwebes, nasa 355 lamang ang ibinalik sa mga repair hubs dahil sa iba’t ibang isyu.
Aniya, maliit lamang ang naturang bilang ng mga depektibong makina kumpara sa 500 VCMs na iniulat na depektibo noong 2019 polls, sa unang araw pa lamang ng isinagawang FTS.
“Ang liit lang talaga [ng considered defective] out of 70,000 na nakapag-conduct ng FTS… I can assure anyone that there will be no problem in the vote counting machines,” aniya pa.
Nabatid na hindi pa nakakapagsagawa ng FTS ang Comelec sa may 35,250 pang VCMs.
Siniguro rin naman ni Casquejo na mayroon silang mga itinakdang ‘contingency procedures’ sakalign magkaroon ng aberya ang VCM sa isang presinto.
“The election will still continue. May balota naman, hihiramin lang ang makina… Kapag may bakante na tayong VCM, yun na ang gagamitin natin. Batch feeding na lang,” aniya pa.
Mayroong 106,704 clustered precincts ang Comelec para sa halalan sa Lunes. (Jaymel Manuel)