Idinipensa ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia ang kanilang mga local offices matapos na batikusin kasunod nang pagtanggap ng mga signature forms para sa people’s initiative na naglalayong amiyendahan ang 1987 Constitution.
“‘Yung Comelec resolution 10650, with all due respect to our good Senator Koko Pimentel, ay na-promulgate po nung 2020 at ‘yun po ay ang implementing rules and regulations o guidelines para po sa Republic Act 6735,” paliwanag ni Garcia.
Tugon ito ni Garcia matapos na hingian ng mga mamamahayag ng komento sa pagkuwestiyon ng senador sa naging legal na basehan ng Comelec sa pagtanggap ng mga naturang lagda.
Dagdag pa ni Garcia, “As of today, ‘yan pong Comelec resolution 10650 ay isang valid na issuance po ng Commission on Elections.”
Aniya, “Hindi po namin basta-basta pwede baguhin, isantabi po ‘yun sapagkat otherwise kami naman po at ‘yung mga local Comelec [offices] ang makakasuhan po dereliction of duty.”
Sinabi pa ng poll chief na ipagpapatuloy ng Comelec ang pagtanggap ng mga signature forms alinsunod sa umiiral at balidong resolusyon, maliban na lamang kung sasabihin ng Korte Suprema na invalid ito.
Kinumpirma rin naman ni Garcia na umaabot na sa 1,072 mga lungsod at mga munisipalidad ang nakapagsumite na ng mga lagda para sa isang people’s initiative.
Mula aniya ang mga naturang signature sheets sa 187 ng 245 distrito sa bansa.