Nilinaw ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia nitong Huwebes na hindi pa pinal ang postponement o pagpapaliban ng 2022 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ang paglilinaw ay ginawa ni Garcia sa isang panayam sa isang news channel matapos na unang aprubahan ng House of Representatives committee on suffrage and electoral reforms ang mosyon na i-postpone ang naturang halalan na nakatakda sana sa Disyembre 5, 2022.
Ayon kay Garcia, bago tuluyang maging pinal ang postponement ng eleksiyon ay kailangan muna ng Senado at ng Kamara de Representantes na magkaroon ng consensus hinggil dito.
“Sa bandang huli, talagang hindi pa final kung mapo-postpone ba ang barangay at SK Election, kailangan magtugma ang gusto ng Senado at ng mababang kapulungan,” paliwanag pa ng poll chief.
Aniya pa, nakatakda na rin namang magsagawa ang Senate Committee on Electoral Reforms ng pagdinig hinggil sa naturang isyu sa susunod na linggo.
Muli ring nanawagan si Garcia sa Kongreso na desisyunan ang isyu bago matapos ang buwan ng Agosto.
Tiniyak rin niya na tuluy-tuloy pa rin ang kanilang paghahanda para sa halalan hanggat walang pinal na desisyon kung ipagpapaliban ito.
Sa Setyembre aniya ay nakatakda na rin nilang simulan ang pag-iimprenta ng mga balota.
“Subalit kami sa Comelec, pinaghahandaan namin ang December 2022 elections. Ibig sabihin, kung magdesisyon po sila na ituloy, walang problema,” ani Garcia. “Kaya nakikiusap kami sa kanila na kung pupwede, kung itutuloy o hindi, bago matapos sana ang Agosto.” (Anthony Quindoy)