Latest News

COMELEC CHAIRMAN, NAGPAPA-IMBESTIGA SA NBI 

By: Baby Cuevas

Matapos ang mga alegasyong tumanggap umano siya ng suhol mula sa isang Korean firm, dumulog si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia sa National Bureau of Investigation (NBI) upang hilingin na kaagad nitong imbestigahan ang isyu.

Bago niyan ay sinabi ni Sagip Party-list Rep. Rodante Marcoleta na aabot sa P1 bilyon ang halaga ng pondo na nai-transfer mula sa South Korean-based banks patungo sa 49 offshore accounts na sinasabing sangkot sa isang hindi pinangalanang opisyal ng Comelec.

Tinugunan ito ni Garcia na nagsabing siya ang tinutukoy ni Marcoleta.

Ayon kay Garcia, kamakalawa pa nang lumiham siya kay NBI Director Jaime Santiago upang pormal na hilingin na maimbestigahan ang naturang isyu.

“I am writing to formally request the assistance of your agency in investigating the recent allegations circulating online that implicate me in accepting bribe money from a Korean firm,” nakasaad pa umano sa liham ni Garcia.

“These unverified claims assert that I hold numerous bank accounts across various banks in Singapore, North America, China and the Caribbean,” saad pa nito.

Mariin na ring pinabulaanan ni Garcia ang mga naturang alegasyon.

Tiniyak rin ni Garcia na handa siyang makipagtulungan sa gagawing imbestigasyon ng NBI.

“Diyos po ang aking saksi, wala po akong kahit anong foreign account o kahit anong bahay o property o lupa sa kahit anong foreign land,” aniya.

“Huwag naman po sana natin sirain ang kredibilidad ng eleksiyon.  Kawawa naman po ang sambayanang Pilipino.  Pagkakataon naman po ng sambayanang Pilipino na makaranas ng isang maayos at pinagkakatiwalaan na halalan,” saad pa ni Garcia.

“Napakataas ng respeto natin kay Congressman Marcoleta.  Pero sana, katulad nang naitanong sa kanya kung verified, sabi niya, hindi naman po verified, sana naman po bago man lang makapagbitaw ng mga pananalita, sana ma-verify lang. Sana ma-countercheck lang,” dagdag pa niya.

Tags:

You May Also Like

Most Read