By: JANTZEN ALVIN
Binuksan na ng Commission on Elections (Comelec) ang ‘online precinct finder’ nito sa publiko para sa nalalapit nang pagdaraos ng May 12, 2025 midterm polls sa bansa.
Sinsabi ng poll body sa isang Facebook post nitong Miyerkules na sa tulong ng naturang precinct finder ay maaari nang i-check ng mga botante kung saang polling place sila boboto, gayundin ang kanilang precinct number.
Kinakailangan lamang umano ng mga ito na i-access ang link na https://precinctfinder.comelec.gov.ph.
“COMELEC Precinct Finder is now live! Alam mo na ba kung saan ka boboto sa darating na halalan?Hanapin ang iyong Polling Place para sa May 12, 2025 National and Local Elections gamit ang Precinct Finder sa https://precinctfinder.comelec.gov.ph,” ayon pa sa post ng Comelec.
Sa paggamit ng precinct finder, kailangan lamang ihanda ang ilang impormasyon, kabilang na ang buong pangalan, araw ng kapanganakan at lugar ng pagpaparehistro.
Sa tulong nito, maaari rin namang makita ang estado ng botante, kung siya ba ay aktibo o maaaring makaboto sa halalan at hindi aktibo, o deactivated voter.
Tiniyak naman ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia, nagtakda ang poll body ng mga pamamaraan upang matiyak ang seguridad ng online precinct finder laban sa mga pag-atake lalo na aniya at tiyak nang may magtatangkang mang-hack dito.
Ayon pa kay Garcia, nakapagtala na ang Comelec ng 35 milyong tangkang pag-hack sa kanilang sistema sa mga nakalipas na araw.
“Surely, they will attempt to hack our system…kasi nga po ang Comelec ang may pinakamalawak na data ng mga Pilipino sa lahat ng ahensya ng pamahalaan. May mga na-set up tayo na parameters at paraan to secure the precinct finder,” ani Garcia.
Ayon sa datos ng Comelec, mayroong kabuuang 69,673,655 registered voters para sa midterm polls sa Mayo.