AALALAYAN ng Department of Justice (DOJ) ang Commission on Election(Comelec) sa paghabol ng mga nasa.likod ng fake news na makakasira sa integridad ng nalalapit na halalan sa Mayo 9.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ito ay sa kabila nang hindi pa humihingi ng tulong ang poll body sa DOJ.
“Not yet, but as in the case of the Comelec’s campaign against vote-buying, the DOJ is ready to extend help to the Comelec. After all, purveying false news that affect public interest or public order is a criminal offense that falls squarely within the mandate of the DOJ/NBI to investigate and prosecute,”ayon kay Guevarra.
Una nang sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia nitong Lunes sa Laging Handa public briefing na kinukumbinsi niya ang Commission En Banc na bumuo ng task force laban sa fake news.
“Hindi po natin papayagan, we will go after them, we will prosecute them and we will put a stop to these illegal activities po,” ayon kay Garcia.
Ayon kay Garcia, hahabulin nila ang nasa.likod ng fake news lalo na kung may kinalaman sa ” pre-shaded original ballots” na lumabas sa National Printing Office (NPO).
Mayroon pa umanong video na nagsasabi na tapos na ang halalan at 100 % ang voters turnout.
Ang impormasyon na ganito ay nakakapagbigay ng kalituhan sa publiko at maaring mag-isip na totoong nakompromiso na ang integridad ng halalan.
Hindi umano papayag ang poll body na masira ang integridad ng halalan. (Anthony Quindoy)