Hiniling ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) sa mga ahensya ng pamahalaan at sa pamunuan mismo ng mga unibersidad at mga paaralan na bantayan ang mga organisasyon ng mga mag-aaral na walang basbas o hindi awtorisado ng mismong paaralan, tulad na lamang ng mga fraternity.
Ayon sa COCOPEA na binubuo ng Philippine Association of Colleges and Universities (PACU), Philippine Association of Private Schools, Colleges, and Universities (PAPSCU), Association of Christians Schools, Colleges, and Universities (ACSCU), Unified TVET of the Philippines, Inc. (UniTVET) at ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP), kinokondena nila ang karahasang patuloy na idinudulot ng hazing bilang bahagi ng initiation rites ng iba’t -ibang mga fraternity lalo na ng pagkasawi ng mga aplikante.
Hindi umano katanggap-tanggap ang pagkamatay nina University of Cebu student Ronnel Baguio nooong Disyembre 2022 at Adamson University student John Matthew Salilig nitong Pebrero 2023 lamang, sa mga kamay mismo ng mga miyembro ng kapatiran na nais nilang salihan sana.
Binigyang-diin ni COCOPEA Chairperson Engr. Bernard Nicolas E. Villamor na siya ring pangulo ng Philippine Association of Colleges and Universities (PACU) na nararapat umanong maparusahan ang mga nasa likod ng nasabing hazing na kumitil ng buhay ng mga biktima.
Aniya, dapat na mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng mga mag-aaral na nagnanais lamang makibahagi sa isang kapatiran. sa pamamagitan ng pagsali sa fraternity. (Carl Angelo)