By: JANTZEN ALVIN
ITINAKDA na ng Commission on Elections (Comelec) sa Nobyembre 4 hanggang 9 ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ito ay kasunod na rin ng inilabas na desisyon ng Korte Suprema kamakailan na nagdedeklara sa lalawigan ng Sulu na hindi bahagi ng BARMM.
Alinsunod sa Resolution No. 11051 na na-promulgate ng Comelec noong Setyembre 11, 2024, ipinagpaliban ang COC filing para sa District Representatives sa BARMM parliament sa Nobyembre 4, 2024 hanggang Nobyembre 9, 2024, ganap na 8 a.m. hanggang 5 p.m., mula sa dating petsa na Oktubre 1 hanggang 8, 2024.
Ang mga naturang dokumento para dito ay dapat na isumite sa Bangsamoro Electoral Office sa pamamagitan ng Office of the Provincial Election Supervisor (OPES).
Itinakda naman sa Nobyembre 9, 2024 ang huling araw para sa filing ng List of Nominees and Certificate of Acceptance of Nomination with Affidavit of Non-Affinity of Regional Parliamentary Political Party or Coalition. Ito ay dapat isumite kasama ang Manifestation of Intent to Participate in the Parliamentary Elections, sa Bangsamoro Electoral Office, sa pamamagitan ng Bangsamoro Registration and Accreditation Committee.
Ayon kay Garcia, naglabas ng ganitong desisyon ang Comelec en banc dahil hindi naman nila maaaring i-postpone ang eleksiyon at dapat rin nilang ipatupad ang kautusan ng Mataas na Hukuman.
“Tuluy-tuloy po ang halalan sa Bangsamoro… sapagkat yan ay bilang pagpapatupad ng ating commitment sa peace process and at the same time, yan naman po ang nakalagay sa ating Bangsamoro Organic Law (BOL), na sinabi ng Korte Suprema na Constitutional,” aniya.
Una nang sinabi ng Korte Suprema na Konstitusyunal ang BOL ngunit idineklara ang Sulu bilang hindi sakop ng BARMM matapos na i-reject nito ang BOL sa idinaos na plebisito.
Tiniyak naman ni Garcia na tuloy ang halalan sa Bangsamoro sa kabila ng pagpapaliban sa COC filing at kautusan ng Supreme Court.
Nabatid rin na dapat sana ay 80 puwesto ang pupunuan sa BARMM parliamentary elections.
Gayunman, magiging 73 na lamang ang magiging miyembro nito dahil na rin sa hindi na kasama dito ang Sulu.
Nilinaw rin ng Comelec na ang COC filing period para sa lahat ng national positions, gayundin ang para sa lahat ng local positions na kabilang sa BARMM, gaya ng Governor, Vice Governor, Provincial Board Members, Mayor, Vice Mayor at Councilors, ay magpapatuloy naman sa Oktubre 1 hanggang 8, 2024, alinsunod sa Resolution No. 11045, na na-promulgate noong Agosto 28, 2024.
Sinabi ni Garcia na nagkakaisa ang Comelec en banc na ang Sulu ay dapat na makabilang sa Region IX, na dati nitong kinabibilangan.