HANGGANG kahapon, araw ng Miyerkules, ay nagpapatuloy ang paghahanap ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa sampung tripulante ng tumaob na barkong kinakargahan ng buhangin sa dagat na sakop ng Rizal, Occidental Mindoro.
Pito sa sampung nawawalang crew ng MV Hong Hai 16 ay mga Pilipino habang Chinese national naman ang tatlong iba pa .
Pinangangambahang na-trap sila sa loob ng engine room ng barko na nanatiling nasa “upright but partially-submerged” position, ayon sa Philippine Coast Guard.
Sa ulat na ipinarating kay Philippine Coast Guard (PCG) Commandant, Admiral Ronnie Gil L Gavan, mabilis na nagsagawa ng ‘search and rescue operations’ ang kanilang mga tauhan matapos na matanggap ang ulat hinggil sa paglubog ng Marine Vessel Hong Hai 16 sa karagatang sakop ng Barangay Malawaan, Rizal, Occidental Mindoro kamakalawa ng hapon ng Abril 15, 2025, pasado alas-5 ng hapon.
Ayon sa ulat, may sakay na 25 crew ang nasabing barko na pagmamay-ari ng Keen Peak Corporation, kung saan 13 dito ay mga Pilipino at 12 naman ay Chinese nationals.
Batay sa pinakahuling datos ng PCG, 14 na tripulante ang nasagip — anim na Pilipino at walong Chinese- habang isa namang Chinese crew ang natagpuang wala nang buhay.
Nagpadala na rin ng dagdag na pwersa ang PCG para sa underwater search, diving operations at pagputol sa bahagi ng barko na posibleng may na-trap pang crew sa engine room.
Kasabay nito, nakahanda na rin ang mga oil spill containment equipment bilang pag-iingat sa posibleng pinsala sa kalikasan.