Clemency at pagpapalaya kay Mary Jane Veloso, panawagan ng Obispo

By: Carl Angelo

Nananawagan ang isang Obispo ng Simbahang Katolika na mabigyan ng clemency at mapalaya si Mary Jane Veloso, ang Pinay na nakahanay sa ‘death row’ sa Indonesia matapos na masangkot sa kasong drug trafficking.

Sinabi ni Balanga Bishop Ruperto Santos, na siya ring vice chairman ng Episcopal Commission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na matagal na ang naging pagdurusa ni Veloso sa bilangguan.

Nanawagan rin ang Obispo sa mga mamamayan na taimtim na manalangin upang pagkalooban ng clemency ng Indonesian government si Veloso.


Npag-alaman na noong nakaraang linggo, si Veloso ay binisita ng kanyang mga magulang at mga anak sa Yogyakarta prison at ibinunyag na sumailalim ang Pinay sa surgery upang tanggalin ang kanyang ovarian cyst.

Naniniwala naman si Santos na dahil sa medical condition ni Veloso ay mas may dahilan upang bigyan siya ng Indonesia ng pardon.


Magugunita na taong 2010 nang mabilanggo si Veloso at mapatawan ng parusang bitay, matapos na mahuling nagpupuslit ng 2.6 kilo ng heroin sa Indonesia.

Naninindigan si Veloso na biktima lamang siya ng human trafficking at nalinlang upang magbitbit ng maleta sa eroplano na hindi niya alam na may laman palang ilegal na droga.


Nabigyan si Veloso ng temporary reprieve matapos na maaresto sa Pilipinas ang babaeng umano’y siyang nag-recruit sa kanya.

Tags: Mary Jane Veloso

You May Also Like

Most Read