IPINAG-UTOS ng pamunuan ng Philippine National Police na tutukan ang imbestigasyon sa nangyaring paglikida sa City Public Safety Officer ng Cotabato City na isang dating pulis.
Sa ulat na nakarating sa PNP headquarters sa Camp Crame, sa Quezon City agad na binawian ng buhay ang biktimang si dating Cotabato City police director retired Colonel Rolen Balquin na kasalukuyang hepe ng City Public Safety Office.
Bukod kay Col Balquin , malubha ring nasugatan ang kanyang driver na si Police Chief Master Sergeant (PCMS) Arial Gutang sa nangyaring pamamaril sa siyudad ng Cotabato dakong alas-9:15 ng nakalipas na linggo.
Ayon kay Cotabato City police director Colonel Rommel Javier,lumalabas sa kanilang paunang imbestigasyon , kasalukuyang nagpa parking ng kanilang sinasakyang kotse ang mga biktima sa harap ng isang milktea house sa Sinsuat Avenue corner Macapagal St., Mother Barangay Rosary Heights para dumalo sa isang okasyon.
Dito dumikit ang hindi pa nakikilalang gunman at saka pinagbabaril ang kanilang target gamit ang kalibre .45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga salarin lulan ng hindi pa matukoy na sasakyan.
Itinakbo pa sa pagamutan ang mga biktima ngunit dineklarang dead on arrival si Balquin sanhi ng tama ng punglo sa ulo at dibdib habang nasa kritikal na kondisyon si Gutang.
Kasalukuyang nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Cotabato City Police Office hinggil sa motibo ng pamamaril at kakilanlan ng mga responsable sa krimen. (VICTOR BALDEMOR)