Nagsisimula nang maagnas ang bangkay ng isang 62-anyos na babaeng Chinese national nang madiskubreng nakabigti malapit sa bintana ng tinutuluyang condominium, kamakalawa ng gabi sa Ylaya Mansion sa Tondo, Maynila.
Kinilala ni PSMS Jansen Rey San Pedro, imbestigador ng Manila Police District -homicide section, ang biktimang si Huang Bie, nanunuluyan sa Unit 704 Ylaya Mansion, Tondo, Maynila.
Napag-alaman na isang residente sa 7th floor ang nagreklamo sa security officer kaugnay sa mabahong amoy na nagmumula sa Unit 704.
Pinuntahan ng security officer na si Raymond dela Peña ang unit ng biktima at kinatok ang pintuan pero walang sunasagot kaya humingi ng tulong sa barangay bago ginamitan ng duplicate key.
Pagkabukas sa pinto ay tumambad sa kanila ang nakabigting biktima na nagsisimula nang maagnas ang katawan.
Napag-alamang may isang dekada nang nakatira ang biktima sa naturang unit at huli itong nakitang buhay noong Hulyo 26 nang dumating sa condominium.
Dinala ang bangkay sa funeral homes para sa awtopsiya at safekeeping habang patuloy na inaalam ang sanhi ng pagpapakamatay ng biktima.














