Naaresto ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Chinese na umano’y wanted sa Beijing at itinuturing na fugitive from justice.
Sa isang kalatas kahapon, sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang dayuhang si Zhnag Xianfa, 36, ay inaresto sa immigration departure area sa NAIA terminal 3 noong Pebrero 14.
Ayon kay Tansingco, pasakay na sana si Zhang sa isang Cebu Pacific flight patungo sa Guanzhou, China nang harangin ng mga tauhan ng BI, matapos na mapunang kabilang siya sa database ng BI ng mga aliens na may existing derogatory records.
Kaagad rin namang itinurn-over ang dayuhan sa mga tauhan ng border control and intelligence unit (BCIU) ng BI, na siyang nagdala sa kanya sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Ani Tansingco, batay sa rekord, si Zhang ay una nang ipinag-utos ng BI board of commissioners na mai-deport sa China dahil sa pagiging undesirable alien noong Mayo 2023.
Isa lamang umano siya sa 16 na Chinese nationals na hinihiling ng Chinese authorities na mai-deport dahil sa mga krimeng nagawa sa kanilang bansa.
Ang 15 pa namang Chinese nationals ay ipinag-utos na rin na mai-deport ng BI.
Sa pag-uutos ng kanilang summary deportation, sinabi ng BI board na nilabag ng mga dayuhan ang ‘terms and conditions’ ng kanilang visa dahil sa pagiging fugitives from justice.
“Their presence in the Philippines poses a risk to public interest,” ayon pa sa BI.
Tiniyak naman ni Tansingco na kaagad nilang ipapauwi si Zhang sa Beijing, sa sandaling makakuha na ang BI ng mga kinakailangang clearances para sa kanyang deportasyon.
Dagdag pa ni Tansingco, pagbabawalan na ang dayuhan na makapasok muli sa Pilipinas dahil isasama na siya sa immigration blacklist.