China, nagpaliwanag ukol sa pagpasok ng naval vessel sa Philippine waters

“An exercise of the right of innocent passage.”

Ito ang naging paliwanag ng Chinese Foreign Ministry kung bakit pumasok ang People’s Liberation Army-Navy (PLAN) vessel sa dagat na sakop ng Pilipinas nang walang kaukulang pahintulot sa pamahalaan mula Enero 1 hanggang Pebrero 1, 2022 at nakaaabot pa sa Cuyo Group of Islands sa Palawan at Apo Island sa Mindoro.

Sa isang pulong balitaan ay kinumpirma ni Foreign Ministry Spokesperson Zhao Lijian ang naganap na pagpasok ng Chinese navy vessel sa Philippine waters.


“China’s naval vessels’ sailing through the Philippine waters was an exercise of the right of innocent passage pursuant to UNCLOS. The Chinese passage was safe and standard, and consistent with international law and international practice. We hope relevant parties can view it in an objective and rational manner,” ani Zhao Lijian

Magugunitang tinuligsa ang China sa nasabing ‘intrusion’ sa teritoryo ng Pilipinas na sinasabing innocent passage dahil sa tagal at namarkahang ruta na tinatahak nito.

Dahil sa insidente ay nagpasya ang Department of Foreign Affairs nitong Lunes na ipatawag si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian hinggil sa ‘lingering presence’ ng Chinese navy ship sa Sulu Sea.

Ayon sa DFA, ito ay matapos na isang People’s Liberation Army-Navy (Plan) vessel ang pumasok sa karagatang sakop ng Pilipinas nang walang pahintulot mula Enero 1 hanggang Pebrero 1.


Agad namang pinaalis ng BRP Antonio Luna ng Philippine Navy ang Chinese vessel pero sinabi nito na ‘innocent passage’ ang kanilang pagdaan.

Sa kabila nito, nanatili pa rin ang barko ng China sa loob ng karagatan ng Pilipinas ng tatlong araw.

Sabi ng DFA, bagama’t kinikilala ng Pilipinas ang right of innocent passage sa ilalim ng Article 52 ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ay hindi naman nagpakita ng innocent passage ang naturang barko na lumabag sa soberenya ng ating bansa.

Muli ring iginiit ng DFA na dapat irespeto ng China ang teritoryo at maritime jurisdiction ng Pilipinas at sumunod ang mga ito sa international law. (VICTOR BALDEMOR)


Tags: People's Liberation Army-Navy (PLAN)

You May Also Like

Most Read