CHINA AT IBA PANG FOREIGN ENVOYS, KINONDENA ANG MSU BOMBING

By: Victor Baldemor Ruiz

KABILANG ang China, iba’t- ibang foreign envoys ang nagpahayag ng mariing pagkondena sa pagpapasabog sa Mindanao State University (MSU) na kumitil ng apat na katao at ikinasugat ng may 50 katao nitong nagdaang Linggo.

Nanguna si Chinese Ambassador Huang Xilian sa mga diplomats na nagpahayag ng kanilang simpatiya at pakikiramay sa mga naging biktima ng panibagong terroristic activities sa Mindanao.


“Our hearts go to the victims and their bereaved families of the horrific bombing as well as those affected in Mindanao State University this morning (last Sunday). Violence against civilians has no place in the world. We condemn the killing of innocent people in Marawi,” mensahe ni Amb. Huang Xilian.

Inihayag ni British Ambassador to the Philippines Laure Beaufils na kinokondena ng United Kingdom ang walang kabuluhang gawain ng karahasan, lalo na sa kasagsagan pa aniya ng Mindanao Peace Week at pagsisimula ng Adbiyento.

Suportado din ng UK ang mga hakbang para mapanagot ang mga nasa likod ng bombing incident.


Inihayag din ng British envoy ang labis na kalungkutan sa nangyari at nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng mga biktima.

Nagpahayag din si US Ambassador to the PH MaryKay Carlson ng panawagan para sa hustisya at sinabing sinusuportahan ng gobyerno ng US ang mga pagsisikap na papanagutin ang mga salarin.


Ipinaabot din ng US envoy ang taos-pusong pakikiramay ng Estados Unidos sa mga mahal sa buhay ng mga nasawing biktima.

Maging ang Ambassador ng European Union sa Pilipinas na si Luc Véron ay napahayag na “walang lugar ang karahasan sa mga paaralan” at nagpaabot ng kanyang pakikiramay sa mga nawalan ng kanilang mga mahal sa buhay dahil sa pag-atake.”


Inamin ng ISIS na sila ang responsable sa naganap na pagsabog sa loob ng gym ng MSU habang may nagaganap na misa.

Ayon nsa Islamic State… “soldiers of the caliphate detonated an explosive device on a large gathering of Christians… in the city of Marawi.”



Tags: Mindanao State University (MSU)

You May Also Like