Naglunsad ang Department of Health (DOH) ng isang nationwide supplemental immunization campaign upang bakunahan ang mga bata laban sa mga sakit na measles, rubella at polio.
Sa nasabing launching na isinagawa sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City, binigyang-diin pa ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire ang kahalagahan ng “Chikiting Ligtas 2023,” sa pagbibigay ng impormasyon at paghikayat sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa mga vaccine-preventable diseases.
“One of the Department’s evergreen goals is to protect our children from vaccine-preventable diseases, and these include measles, rubella, and polio,” ayon kay Vergeire.
“This is also a time to renew public trust in the value of all vaccines and continue to build long-term support and awareness for immunization, as vaccines have proven to be critical in containing or limiting outbreaks of infectious diseases,” dagdag pa nito.
Dumalo rin sa event sina San Juan City Mayor Francis Zamora, DOH Public Health Services Asst. Secretary Dr. Beverly Lorraine Ho, World Health Organization (WHO) Lead Vaccine-Preventable Diseases and Immunization Dr. Robert Kezaala, UNICEF Representative to the Philippines Ms. Oyunsaikhan Dendevnorov, Department of Social and Welfare Development (DSWD) Secretary Rexlon T. Gatchalian, Philippine Pediatric Society President Dr. Florentina U. Ty, Philippine Infectious Disease Society of the Philippines President Dr. Fatima I. Gimenez, at DOH Undersecretary Dr. Enrique A. Tayag.
Sinabi ni Zamora: “We are happy to partner with the DOH in their program, ‘Chikiting Ligtas’. As a father myself, this initiative is very important for me because we need to protect our children especially in their early years and give them the best protection they can get from vaccines.”
Nabatid na sa naturang aktibidad, ang mga batang nagkaka-edad ng 0 – 59 buwan at naninirahan sa San Juan, ay tinurukan ng mga bakunang kontra sa measles, rubella, at poliomyelitis, at binigyan ng Vitamin A supplement.
Upang masiyahan naman ang mga bata, naghanda ang DOH at lokal na pamahalaan ng mga booths, mga palaro, mga pagkain at iba pang surpresa para sa kanila at kanilang mga magulang.
Matapos na mabakunahan, tumanggap rin ng loot bags na puno ng goodies ang mga paslit bilang premyo sa kanilang katapangan sa pagpapabakuna.
Habang minu-monitor ang mga bata, pinayagan rin silang maglaro sa play zone na iginayak sa lugar.
Si Tayag naman ay nakipagsayawan sa mga paslit at itinuro niya sa mga ito ang dance steps ng Chikiting Ligtas Dance Challenge.
Una nang sinabi ng DOH na ang supplemental immunization activities para sa mga bata ay idaraos mula Mayo 2 hanggang 31.
Target ng DOH na makapagbakuna ng nasa 9.5 milyong batang nasa siyam hanggang 59 buwang gulang laban sa tigdas, habang 11 milyong paslit naman na nasa 0- 59 buwang gulang ang target mabakunahan laban sa polio.
Samantala, kasabay ng aktibidad ay inilunsad rin ng city government ang COVID-19 second booster vaccination para sa general population sa lungsod.
“I am very thankful that the general population has been allowed the 2nd booster shot against COVID-19 because this is an added protection to our people who are already trying to overcome the effects of the pandemic. Mahalagang tulong ito sa ating mga bumabangon mula sa pagkakadapa dahil sa pandemya,” ayon kay Zamora.
Nabatid na mismong ang alkalde ay nagpaturok na rin ng kanyang 2nd booster shot upang madagdagan ang kanyang proteksiyon laban sa virus.
Patuloy ring hinihikayat ni Zamora ang mga San Juaneños na huwag maging pabaya at magpa-booster shot na, lalo na at tumataas muli ang mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa kasalukuyan.