PATAY sa sakuna sa lansangan ang hepe ng Sta. Ana Police Station matapos na masangkot sa aksidente kung saan tumaob ang minamaneho nitong kotse sa kahabaan ng Sitio Limbus Brgy. Rapuli, sa Sta Ana, Cagayan.
Kinilala ang biktima na si PMaj. Ranolfo Gabatin, hepe ng Police Station ng Sta Ana na residente ng Centro East, Sta Terisita, Cagayan.
Pansamantalang naka-detine ngayon ang nagmamaneho ng van na si Joseph Munzon, 56-anyos na magsasaka, na residente ng Sitio Racat Brgy. Rapuli, Sta Ana, Cagayan.
Agad namang naitakbo ng mga rumespondeng rescue team sa Father Gerry Filippeto Memorial Hospital sa Brgy. Sta Cruz, Sta Ana, Cagayan ang biktima .
Ilang oras lamang habang nilalapatan ng lunas si PMaj. Gabatin ay binawian din ito ng buhay dahil sa mga sugat na tinamo nito sa ibat-ibang bahagi ng katawan.#
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon na kapwa binabagtas ng van at kotse ang kahabaan ng national road sakop Sitio Limbus Brgy. Rapuli patungo sa Brgy. Diora-Zinungan.
Nang makarating sa lugar ng insidente, ay binusinahan umano ni PMaj. Gabatin ang van para isignal ang intention nitong mag-overtake.
Habang nasa proseso na umano ng pagbalik sa linya ang kotse ay nasalpok ng van ang likurang bahagi nito na naging sanhi para mawalan ito ng kontrol at tumaob ang sasakyan.














