Solong napanalunan ng isang taga-Cebu ang mahigit P16.3 milyong jackpot prize ng Lotto 6/42 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Huwebes ng gabi.
Ayon sa advisory ng PCSO, matagumpay na nahulaan ng lucky winner ang six-digit winning combination ng Lotto 6/42 na 06-18-26-29-17-11 kaya’t naiuwi nito ang katumbas na premyo na P16,319,245.20. Ang Lotto 6/42 ay binubola tuwing Martes, Huwebes at Linggo.
Sinabi ni PCSO Vice Chairman at General Manager Melquiades Robles na nabili ng mapalad na mananaya ang kanyang lucky ticket sa Mandaue City, Cebu.
Para makubra ang kanyang premyo ay pinayuhan ni Robles ang lucky winner na magtungo sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City, kung saan kailangan rin umano nitong iprisinta ang kanyang lucky ticket at dalawang valid ID.
Napag-alaman kay Robles na ang mga lotto winnings ay pinapatawan ng 20% tax sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act (TRAIN Law).
Sakaling di makubra ang jackpot prize sa loob ng isang taon ay awtomatiko itong mafo-forfeit at mapupunta sa kawanggawa.
Muling hinikayat ni Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang PCSO games, partikular na ang lotto, upang magkaroon na ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo, ay makatulong pa sa kawanggawa. (Baby Cuevas)














