Nagpalabas ng mahigpit na babala ang Cebu Pacific at Philippine Airlines sa mga pasahero nito na mahigpit sila sa pagpapatupad ng ban o pagbabawal sa mga bomb threats na ginagawang biro o bomb jokes.
Ayon kay CEB spokesperson Carmina Romero, maging ang paninigarilyo o ‘vaping’ ay bawal din sa mga flights nila.
Ang mga pasaherong lalabag sa pagbabawal na ito ay isasailalim sa mga legal na hakbang.
Ani Romero: “The safety and convenience of our passengers will always be our top priority.”
“We ask for everyone’s cooperation in maintaining a smooth and secure passenger experience at the airport. We thank our passengers for their continued support and understanding,” dagdag pa nito.
Sa panig naman ng PAL, ipinaalala ni spokesperson Cielo Villaluna na ang bomb jokes ay ‘banned’ sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727 (Bomb Joke/Threat Law) at ito ay seryosong inaaksyunan ng security at law enforcement authorities.
“Please refrain from making any jokes or comments that refer to bombs, explosives, or any instruments of violence while at the airport or on board any flight,” pahayag pa ni Villaluna.
Sa kabilang banda, ipinaalala din ni Villaluna na “Republic Act Nos. 9497 (CAAP Law) and 8749 (Clean Air Act) penalize smoking, which includes vaping or the use of electronic cigarettes, on board all flights and at the airport, except in airport areas that are specifically designated.”
Para kasi hindi na tayo maabala at makaabala, huwag magbibiro na gumagamit ng salitang ‘bomb’ o ‘bomba’ o anumang termino na pupuwedeng makapaglikha ng kaba at takot sa mga pasahero.
Bukod sa hindi ito maganda, maari pa kayong maharap sa kaparusahang aabot sa limang taong pagkakakulong bukod pa sa P40,000 na fine o multa.
Kapag kasi may kaso ng ‘bomb joke,’ nagkakaroon ng delay sa flight.
Hindi lang sa flight na sasakyan ng nagbiro ha, kundi maging sa mga susunod pang flights. Ito ‘yung tinatawag na ‘domino effect.’
Natural, kapag na-delay ang isang flight, epektado ang mga kasunod na flights at lahat ‘yan tiyak na made-delay na din.
Isipin na lang kung ilang libong pasahero ang maaapektuhan nito, bukod pa sa magagastusan siyempre ang airline.
Kung ikaw ay isang pasahero, dapat ay may kusang palo ka naman na gawin ang dapat at tama at huwag mamerwisyo ng kapwa.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.