CBCP, TATALAKAYIN ANG RESULTA NG SYNOD SA 130th PLENARY ASSEMBLY SA HULYO

By: Carl Angelo

KASAMA ang resulta ng Synod sa tatalakayin at magiging agenda ng mga obispo ng Simbahang Katoliko sa idaraos na ika-130th Plenary Assembly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa Bohol sa susunod na buwan ng Hulyo.

Napag-alaman kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action Justice and Peace at pangulo ng Caritas Philippines, na ang plenaryo ay idaraos ng CBCP sa Hulyo 5 – 7, 2025.


Kabilang umano sa gawaing nakahanay para sa retreat ng mga Obispo na nakatakda sa Hulyo 1 – 4 ang pakikipagtalakayan sa Synodal Team ng bawat diyosesis at sub-regions ng mga Metropolitan provinces.

Ayon pa kay Bagaforo, na nakasalalay sa magiging talakayan ang pagbubuo ng national team ng synod ng mga panuntunan para sa pagsasakatuparan ng mga pagbabago sa pamamahala sa Simbahan bilang isang ganap na Simbahang Sinodal.

“Imbitado namin hindi lang ang mga Obispo, kung hindi yung mga synodal team sa bawat dioceses or sub-regions ng ating mga metropolitan provinces… Kasama naming sila from all over in the Philippines kaya malakihan itong grupo, from July 1 hanggan July 4. Conversation in Spirit – parang retreat, in the spirit of a retreat, pag-uusapan ang resulta ng Synod at paano natin ma-implement sa ating mga Simbahan… Pagkatapos nito ang mangyayari, ang national team ng synod will now come up ng mga guidelines,” ani Bishop Bagaforo.


Partikular rin niyang tinukoy ang inaasahang higit na pagsusulong sa aktibong partisipasyon ng mga layko sa mga gawaing pang-Simbahan kabilang na ang pangangasiwa dito.

Samantala, inaasahan ring matatalakay sa nakatakdang assembly ang pagkakaroon ng higit na partisipasyon ng mga kababaihan sa Simbahan bilang pagsasakatuparan ng isang ganap na Simbahang Sinodal.


“Isa siguro yung pagbabago in the governance, yung pagpapatakbo ng simbahan, more involvement of the lay people. Hindi lang sa mga council kung hindi actual governance talaga, for example pagpili ng mga pari in the ordination of the priest, well lalong-lalo na sa administrative na function ng ating simbahan – involvement of lay people will be important there, yung mga role ng mga women, titignan on how we will be involve more women sa ating Simbahan,” dagdag pa ni Bishop Bagaforo.

Ang Synod on Synodality ay inisyatibo ng Kaniyang Kabanalang Francisco na layuning isulong ang sama samang paglalakbay ng Simbahan tungo sa nag-iisang hangarin at misyon.


Ang pagtitipon ng mga pastol ng Simbahan ay itinakda ng CBCP sa Hunyo 30 hanggang Hulyo 7 at ito ay isasagawa sa kauna-unahang pagkakataon sa lalawigan ng Bohol.

Tags: Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)

You May Also Like