Latest News

CBCP President David, nahalal sa communication body ng Synod

By: Carl Angelo

Inihalal ng mga delegado ng isinasagawang 2023 Synod of Bishops sa Vatican, sa komisyon na namamahala sa mga komunikasyon ng kapulungan, si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David.

Nabatid na si Bp. David ang magiging kinatawan ng Asya sa Commission for Information ng 16th Ordinary General Assembly ng Synod of Bishops na ipinatawag ni Pope Francis.

Kasama si David, ang mga delegado ng asembliya ay naghalal ng pitong kinatawan ng mga geographic regions mula sa 17commission members.


Ang iba pang Nahalal na geographic representatives ay sina Cardinal Víctor Manuel Fernández, ang Argentine prefect ng Dicastery for the Doctrine of the Faith ng Vatican (Latin America); Cardinal Joseph William Tobin, C.S.R., ang arsobispo ng Newark sa United States (North America); Archbishop Andrew Nkea Fuanya, pinuno ng bishops’ conference ng Cameroon (Africa); Bishop Anthony Randazzo ng Broken Bay sa Australia, head ng federation of bishops ng Oceania; Jesuit Fr. Antonio Spadaro, dating editor ng La Civilta Cattolica na ngayon ay undersecretary na ng Dicastery for Culture and Education (Europe); at ang Lebanese scholar na si Fr. Khalil Alwan (Eastern Catholic Churches).

Ang body ay pinamumunuan ni Dr. Paolo Ruffini, ang lay head ng communication dicastery ng Vatican at umaasiste naman sa kanya si Dr. Sheila Leocádia Pires ng Mozambique. Silang dalawa ay kapwa hinirang ng Santo Papa.

Napag-alamang ang komisyon ay mayroon ring walong ex-officio members mula sa general secretariat ng synod, kasama rito sina Jesuit Cardinal Jean-Claude Hollerich ng Luxembourg, general rapporteur ng synod; Cardinal Mario Grech ng Malta, secretary general; mga undersecretaries na sina Bishop Luis Marín De San Martín, O.S.A. at Sr. Nathalie Becquart, X.M.C.J.; special secretaries na sina Fr. Giacomo Costa S.J. at Fr. Riccardo Battocchio; Dr. Matteo Bruni, director ng Holy See Press Office; at Dr. Thierry Bonaventura, communication manager.

Ang 2023 synod, na mayroong 464 na kalahok, ay nagbukas noong Oktubre 4 at nakatakdang magtapos sa Oktubre 29, sa pamamagitan ng isang banal na Misa sa St. Peter’s Basilica.


Tags: Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) president at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David

You May Also Like

Most Read