Hinihikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) – Episcopal Commission on the Biblical Apostolate (ECBA) ang bawat isa na higit na bigyang halaga ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya.
Ang mensahe ni CBCP-ECBA chairman Laoag Bishop Renato Mayugba ay kaugnay sa pagdiriwang ng ‘National Bible Month’ ngayong Enero, partikular na ang National Bible Sunday sa Enero 28, 2024.
Ayon kay Mayugba, malaking ambag sa paghuhubog ng lipunan ang pagbabasa ng Banal na Kasulatan kaya’t marapat lamang na muling paigtingin ng bawat isa ang pagbabasa ng Bibliya, bilang gabay sa pagpapanibago at pagbabagong buhay.
Mensahe pa ng Obispo: “On January 28, 2024 we celebrate in the Philippines the National Bible Sunday kaya itong buwan ng Enero mga kapatid, the beginning of a new year the Church and even civil society invites us to consider the beauty, the wonder of the Word of God.”
Nabatid na ang tema ng National Bible Month ngayong taon ay “The God of Word: The Source of New Life,” na ani Mayugba ay akmang-akma at nagsisilbing paanyaya sa lahat na muling makinig at sumunod sa Mabuting Salita ng Diyos.
“During this year the theme that we have adopted in the Biblical Apostolate is “The God of Word: The Source of New Life” bagong buhay it’s a very nice theme because it encourages and invites us all to center your renewal in our lives as Christians by focusing on the Word of God, the source of all wisdom,” aniya.
Hinamon rin ng Bible Apostolate Ministry ng simbahan ang mga mananampalataya na gawing makabuluhan ang buhay sa pamamagitan ng pagbabasa at pag-unawa sa mga salita ng Diyos.
Anang Obispo, ang pakikinig, pagtanggap, at pagsasabuhay sa mga aral mula sa salita ng Diyos ay pagpapakita ng kahandaan upang tunay na makamtan ang kaganapan ng buhay.
“We celebrate this Bible month; therefore, we celebrate the living word of God to assure us that indeed, there will always be new life for those who listen to the word of God, receive the word of God in their hearts, and live according to the divine word,” aniya pa.
Nabatid na taong 2017 nang ideklara ang buwan ng Enero bilang ‘National Bible Month’ sa bisa ng Presidential Proclamation No. 124 na nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Itinakda rin naman ang huling Lunes ng Enero bilang National Bible Day.