Tumanggi na si Senate Blue Ribbon Chair Senator Erwin Tulfo na patulan ang pinakahuling banat ng napatalsik na Senate President Alan Peter Cayetano, sa akusasyon nito na siya ay tuta ni Senator Panfilo Lacson, kasabay ng pahayag na ang kanya namang kapatid na si Sen. Raffy at Senator Win Gatchalian ay mga ‘tuta’ ng Malacanang.
“Di na ko magre-react, hahaba lang,” ani Sen. Erwin, kasabay ng panawagan kay Cayetano na pumasok na lang para makapagtrabaho na siya bilang minority leader.
“Mas maganda sa Senate na lang tayo magdiskurso ‘wag na ho sa FB…. Pasok na lang kayo, sir,” ani Tulfo.
Dagdag pa niya: “Panawagan ko, magtrabaho na lang tayo. Pasok nalang po kayo sir tulad ng kapatid n’yo, pumasok last week.” Matatandaan na si Senator Pia Cayetano ay dumalo sa special session na ipinatawag ni President Ferdinand Marcos, Jr., gayundin ang iba pang minority Senators na sina Loren Legarda, Camille Villar, Bong Go at Rodante Marcoleta.
Ayon kay Sen. Erwin, marami na ang nagsasabi na dismayado sila sa nangyayari sa Senado.
“Dami ko na nakakausap talagang dismayado, sobrang baba ang tingin sa Senado. Dati high regard, ngayon parang katawa-tawa kung sinu-sino na daw nagpupunta,” aniya.
Marami umanong dapat na habuling trabaho sa Senado dahil hindi ito nakapag-function nang maayos sa loob ng may isang buwan dahil sa girian sa liderato.
“Pasok na lang po tayo, para madami tayo magawang batas. Me nga hinahabol tayo. We have to catch up, isang buwan tayong walang ginawa,” pagbibigay-diin pa niya.














