Itinatayang nasa 20 katao na ang napaulat na nasawi habang 14 naman ang nawawala dahil sa epekto ng Southwest Monsoon o Habagat na pinalala ng pagpasok ng Tropical Cyclones Ferdie at Gener sa bansa
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Director Edgar Posadas, kasalukuyan pa nilang bina-validate ang nasabing bilang at patuloy din silang nakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng gobyerno.
Base sa inilabas na bulletin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon ng umaga ay sinabing siyam sa ‘reported deaths’ ang naitala sa Mimaropa, tig-apat sa Western Visayas at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, dalawa sa Zamboanga Peninsula at isa sa Central Visayas.
Bukod sa reported death ay nakapagtala naman ng 11 katao na sugatan sa panahon ng pananalasa ni Habagat, Ferdie at Gener.
“The reported casualties are still up for validation,” ayon sa NDRRMC.
May kabuuang 597,870 indibidwal o 156,524 pamilya ang apektado ng masamang panahon sa Cagayan Valley, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, Bangsamoro at Cordillera.
Karamihan sa mga apektadong tao ay napaulat sa Western Visayas, kung saan mayroong 256,593 indibidwal o 73,512 pamilya.
Sa kabuuang apektadong populasyon, may 62,995 indibidwal o 16,926 pamilya ang nananatili sa evacuation centers habang 34,265 katao o 8,592 pamilya ang mas piniling manuluyan sa ibang lugar.
Dahil sa Habagat, Ferdie, at Gener ay nawasak ang 930 bahay, may 789 partially at 141 ang totally-damaged. Nasira rin ang imprastraktura na umabot na sa P2,401,500.
Inihayag din ng NDRRMC na nagkaroon ng power outages at communication line problems sa ilang bahagi ng mga apektadong lugar.
Mayroon namang walong domestic flights at 39 sea trips ang nananatiling suspendido. Sa apektadong seaports, may kabuuang 1,609 pasahero, 58 rolling cargoes, 25 vessels at pitong motorbanca ang stranded, habang ang klase naman sa 592 na lugar at work schedules sa 82 lugar ay sinuspinde rin dahil sa banta ng masamang panahon.
“Assistance worth P15,574,471 has been provided to the victims so far,” ayon sa NDRRMC.