NAGPAHAYAG ng paniniwala si Senate Committee on Games and Amusement Chairman Sen. Erwin Tulfo na nagbulag-bulagan ang mga casino at hinayaan lang nilang isugal ang daan-daang milyong pisong pera ng bayan ng mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st Engineering District.
“Huwag nilang (casinos) sabihin na hindi nila alam na mga taga-gobyerno itong mga opisyal ng DPWH dahil gumamit ng mga fake ID? Akala ko ba mahigpit nilang ipinapatupad yung “know your client” o KYC policy nila?” anang mambabatas.
Dagdag pa ni Sen. Tulfo: “hindi sila nag-imbestiga kung ano ang negosyo o trabaho man lang ng mga nasabing player na ito dahil hindi naman mga tycoons o galing sa angkan ng mga bilyonaryo ang mga apelyido sa kanilang fake IDs? Hindi man lang sila nagduda at hindi nila ito itinimbre sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) kahit daan-daang milyong cash ang dinadala nila sa casino linggo-linggo,” pagbibigay-diin pa ni Tulfo.
Matatandaang lumitaw sa mga pagdinig na si dating DPWH District Engr. Henry Alcantara ay gumamit ng alyas na “Joseph Villegas,” habang si Engr. Brice Hermandez ay nagbigay ng fake ID na “Marvin De Guzman” habang si Project Engr. Jaypee Mendoza ay ginamit naman ang alyas na “Peejay Asuncion.”
Naniniwala umano si Sen. Tulfo na mas pinili ng mga casino na manahimik na lang dahil malaking pera ang dala nina Alcantara, Brice Hernandez at Mendoza sa kanila at malaking income ito para sa casino.
“Kung ginawa lang ng mga casino ang responsibilidad nila na tulungan ang AMLC magmatyag, e di nahuli agad itong sila Alcantara, Hernandez, at Mendoza at maaaring natuldukan ang kanilang pagnanakaw sa pera na bayan,” dagdag pa nito.
Ani Sen. Tulfo, maghahain sya ng resolusyon para imbestigahan at panagutin ang mga casino na magbubulag-bulagan at hindi makikipagtulungan sa AMLC para mapigilan ang korapsyon at money laundering ng mga government officials gamit ang pera ng bayan.














