Latest News

Casino dealer, 6 na player, arestado

BINITBIT ng mga operatiba ng Manila Police District-Police Station 5, ang isang casino dealer at anim na mananaya matapos mabuking ang diumano ay ginagawa nilang pandaraya na nagresulta sa pagkatalo ng P290,500 ng Casino Filipino, kamakalawa ng madaling araw sa Malate, Maynila.

Kabilang sa mga inaresto sina Dan Edison De Guzman, 37, tauhan ng Casino Filipino, residente ng Baliuag, Bulacan; mga players na sina Mary Joy De Guzman, 35, misis ni Dan Edison; Michael Hernandez, 48; Rodolfo Reyes Jr., 41; Raymond Corpuz, 31; Edwin Persia Jr., 32 at Jerico Teodoro, 20.

Ang mga suspek ay dinakip ng mga pulis habang mga nakaupo sa Table 39 ng Gaming Area ng Casino Filipino,alas 2:40 ng madaling araw.


Nalaman na nasa ilalim ng monitoring ng Security Division Personnel ng Casino Filipino ang lamesa na pinaglalaruan ng mga suspek dahil sa kahina-hinalang pagpapanalo ng mga suspek sa card game na Super Six Baccarat.

Nadiskubre na ibinibigay umano ni De Guzman ang panalo ng mga suspek na mananaya kahit na talo sila sa laro.

Nabatid na inimbitahan ng security personnel ng casino sa pangunguna ni Rommel Renato si De Guzman at ang anim na mananaya na kinalaunan ay natuklasan na pare-parehong residente ng Baliuag, Bulacan.

Sinampahan ng kasong Qualified Theft si De Guzman at ang mga mananaya sa Manila City Prosecutors Office. (TSJ)


Tags:

You May Also Like

Most Read