By: Jantzen Alvin
Tiniyak kahapon sa publiko ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na walang takot at mabilis ang pag-usad ng gulong ng hustisya laban sa mga taong sangkot sa 990-kg “shabu” drug bust sa Maynila noong nakaraang taon.
Nabatid na nagsagawa na ang DOJ panel of prosecutors at mga miyembro ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ng clarificatory meeting hinggil sa kaso noong Pebrero 15, 2024 lamang.
Nabatid na ang naturang pulong ay alinsunod sa Department Circular No. 20, s. 2023, na nag-aatas sa mga prosecutors na gumawa ng proactive role sa pag-iimbestiga ng mga krimen, partikular na sa case build-up kung saan ito kinakailangan, gayundin sa pagtulong sa mga complainants at law enforcement agencies upang matukoy kung nagkaroon nga ba ng krimen o kung mayroong prima facie evidence para masiguro ang conviction ng isang akusado, base sa available na mga impormasyon.
Anang DOJ, sumentro ang talakayan sa pagbuo ng mga konkreto, credible at airtight na kaso laban sa mga tiwaling indibidwal na sangkot sa maanomalyang aksiyon, sa panahon ng anti-illegal drugs operation, kung saan naaresto si dating PMSG Rodolfo Mayo Jr. dahil sa pagkakasangkot sa naturang drug haul.
Kaugnay nito, hinikayat ni Remulla ang panel na masusing makipagtulungan sa mga kinauukulan at pag-aralan ang mga ebidensiyang nakalap upang matiyak na mapaparusahan ang mga taong sangkot sa likod nito.
“I strongly urge the panel to work closely with the concerned law enforcement agencies and to thoroughly study all pieces of evidence to ensure that there will be no let-up in this case,” anang kalihim.
“As the prosecution arm of the government, it is but imperative that we uphold the Rule of Law in the most efficient and expeditious way and at the same time within the bounds of truth, fairness and justice,” giit pa niya.














