Arestado ang isang carnapper matapos nitong iparada sa harap ng 7-11 convenience store ang tinangay niyang motorsiklo na hindi kalayuan sa lugar kung saan niya ginawa ang krimen sa San Andres Bukid, Maynila.
Nasa kustodiya ng Manila Police District -Police Station 6 ang suspek na si Jesfher Tumlos y Argonza, 29, ng No. 2159 Granate St., Brgy. 795, San Andres Bukid Maynila.
Sa reklamo ng biktimang si Mark Jay Manzano y Alvarez, 38 , delivery rider at taga 2333 Radium St., Brgy. 771, San Andres Bukid, Maynila , naiwanan niya ang susi sa kanyang motorsiklo at nang balikan niya alas 3 ng hapon nakita niya na tinatangay na ng suspek ang kanyang motorsiklo.
Kaagad na hinanap ng biktima ang motorsiklo sa mga kalapit lugar kung saan nakita niya alas 10:30 ng gabi na nakaparada sa tapat ng 7/11 Convenience Store St., Brgy. 813, Paco, Maynila ang kanyang motor kaya kaagad siyang humingi ng tulong sa MPD-PS 6.
Nag-abang naman sina PMSg Hanny Mark Salamanca, PSSg Carlo Flores at PCpl Renz Mark Ubay sa bisinidad ng 7-11 at nang sakyan na ng ang motorsiklo ay kaagad inaresto ang suspek.
Sinampahan ng kasong paglabag sa RA 10883 kilala bilang “New Anti-Carnapping Law” ang suspek sa Manila Prosecutors Office.














