Nagpahayag ng pagtutol ang ‘social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) , sa planong “big brother-small brother” strategy ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa sektor ng pagmimina sa bansa.
Sinabi ni Caritas Philippines president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang plano ng DENR ay pansamantalang solusyon lamang at hindi ganap na matutugunan ang pinagmumulan ng mga suliranin tungkol sa pagmimina sa Pilipinas.
“Large mining companies are motivated by profit, and they will only be willing to help small-scale miners for as long as it is profitable for them to do so. Once the profits start to dry up, they will likely abandon the small-scale miners, leaving them in a worse position than they were before,” ani Bishop Bagaforo.
Una nang sinabi ni DENR Secretary Tony Yulo-Loyzaga na ang binabalak ng ahensya ay makakatulong upang mapalakas ang mga small-scale miners at mapahusay ang katatagan ng mining communities.
Kinontra naman ito ni Bishop Bagaforo dahil mabibigyan pa umano lalo ng pagkakataon ang mga malalaking kompanya na ipagpatuloy ang mining operations sa bansa habang patuloy na naghihirap ang mga apektadong pamayanan.
“The big players will continue to extract resources from the communities without giving anything back in return,β ayon pa sa Obispo.
Inirekomends ng Obispo na sa halip na ipatupad ang “big brother-small brother” strategy, makabubuting suportahan na lamang ng DENR ang pagpapatupad ng mining moratorium sa bansa at pagsasabatas sa Alternative Minerals Bill na magsusulong para sa ‘sustainable use of mineral resources’.
Gayundin ang pagsasabatas sa Rights of Nature Bill na mas magbibigay ng pagkakataon upang kilalanin ang karapatan ng kalikasan at ecosystem ng bansa.
Napag-alaman na sa ulat ng Mining Industry Coordinationg Council, ang sektor ng pagmi-mina at quarrying ay nag-aambag lamang ng isang porsyento sa Gross Domestic Product ng bansa.
Nasa 44 ang bilang ng mining company sa Pilipinas kung saan 37 rito ang nagsasagawa ng operasyon sa kasalukuyan.














