Caritas Manila, nagpaabot ng tulong sa mga apektado ng bagyong Paeng

Nagpaabot ng tulong ang Caritas Manila, ang social arm ng Archdiocese of Manila, sa mga mamamayan sa Luzon, Visayas at Mindanao na lubhang nasalanta ng bagyong Paeng na nanalasa sa bansa nitong Sabado.

Nabatid nitong Lunas na nagbigay ng paunang tulong na P500,000 cash ang Caritas Manila sa Archdiocese of Cotabato na matinding nasalanta ng bagyong Paeng kung saan halos 70-katao ang nasawi.


Para tugunan ang pangangailangan ng mga biktima ng bagyo, nagpadala rin ang Caritas Manila ng P200,000 cash sa Social Action Center ng Diocese of Antique kung saan naapektuhan ng baha ang bayan ng San Jose de Buenavista, Sibalom, Hamtic, Patnongon,Laua-an, Belison,Bugasong, San Remegio,Tibiao,Valderama,Tobias Fornier.

Sa ulat ng Antique Provincial Disaster Risk Reduction Office, 7,506 na pamilya o 30,328 na indibidwal ang naapektuhan ng bagyo.

Nasa P200,000 cash din ang ibinigay ng Caritas Manila sa Archdiocese of Capiz Social Action Center at P200,000 cash naman para sa Diocese of Kalibo sa lalawigan ng Aklan.


Bukod sa cash aid, nagpadala din ang Caritas Manila ng “in kind relief response” sa Diocese of Antipolo na 269 manna pack na nagkakahalaga ng P269,000, habang ang Diocese of San Pablo Laguna ay nakatanggap naman ng 340 manna pack na nagkakahalaga ng P340,000.

Ayon sa Caritas Manila, umabot sa kabuuang sa P1,709,000 ang cash at in kind na assistance na kanilang naipagkaloob sa mga biktima ng bagyo.


Inihahanda na rin umano ng Caritas Manila ang ipapadalang tulong sa mga lalawigan sa Luzon na hinagupit ng bagyo.

Kaugnay nito, upang mapalawak pa ang pagtulong, muling kumakatok ang Caritas Manila sa butihing puso ng mga Pilipino na mag-donate sa social arm ng Archdiocese of Manila para makatulong sa pagbangon ng mga nasalanta ng bagyong Paeng sa buong bansa.


Nauna rito, nanawagan si Manila Archbishop Archbishop Jose Cardinal Advincula sa mamamayan na pairalin ang ugaling pagkawanggawa sa mga naapektuhan ng kalimidad. (Jaymel Manuel)

Tags: Caritas Manila

You May Also Like