By Tony Gildo
Arestado ang isang caregiver sa isang operasyon ng mga tauhan ng Makati City Police Station matapos umanong nakawan ng P294,787 cash at alahas na nagkakahalaga ng P300,000 ang inalagaan nitong 77-anyos na Person with Disability (PWD).
Nag ugat ang pag-aresto sa suspect na kinilalang si alyas Sophia, 33, ng Pasig City, kasunod ng reklamong inihain ng anak at authorized representative ng biktima.
Batay sa imbestigasyon, nadiskubre ang pagnanakaw dakong alas-7 ng umaga kahapon, Agosto 12, 2026, nang makitang nawawala ang pera at alahas ng biktima sa kanyang bag sa loob ng kanyang silid.
Ang mga ninakaw ay pinalitan umano ng isang bundle ng pinutol na blangko na puting papel na inilagay sa loob ng isang sobre at binalot ng tape.
Inamin din umano ni Sophia ang kanyang pagkakasangkot at ibinalik ang P15,000 sa pamamagitan ng GCash sa complainant. Isinuko rin niya ang isang cellphone na sinasabing pag-aari niya.
Gayunpaman, ang natitirang mga ninakaw na pera at alahas ay hindi pa narekober.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang reklamong qualified theft na isasampa sa Makati Prosecutor’s Office laban sa kanya.














