Huhugasan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang paa ng 12 indibidwal mula sa iba’t- ibang sektor ng lipunan sa Huwebes Santo, Abril 6, 2023.
Ayon sa abiso ng Roman Catholic Archdiocese of Manila (RCAM), kabilang sa mga indibidwal na lalahok sa Washing of the Feet ay sina Dr. Ryan Capitulo mula sa LGBT community, broadcast journalist Raffy Tima, Commission on Elections (Comelec) spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, Judge Caroline Rivera-Colasito mula sa hudikatura, Johhan Joseph Ararao mula sa Intramuros Administration, Cyril John Sunnga na driver ng kalesa, ang jeepney driver na si John Michael Roldan, Angkas rider na si Manuel Jorge Manarang, mission station priest na si Ernesto Panelo, Sr. Liane Rainville, magsasakang si Alberto Mandia, at ang Dumagat indigenous elder na si Iluminada Sta. Ana.
“Heeding the call of His Holiness Pope Francis to become a more listening and compassionate church, Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula will wash the feet of twelve persons of those coming from different sectors of society who need our attention and concern,” anang RCAM, sa isang pahayag.
Ang “Washing of the Feet” ay bahagi ng evening mass sa Huwebes Santo, Abril 6, na idaraos sa Manila Cathedral, sa Intramuros, Manila, ganap na alas-5 ng hapon.
Layunin nitong gunitain ang Huling Hapunan ni Hesukristo, kasama ang kanyang mga apostol.
Noong nakaraang taon, hinugasan ni Cardinal Advincula ang mga paa ng 12 indibidwal na nagtrabaho sa idinaos na national at local elections sa bansa.
“This significant practice of the Catholic Church is a symbolic act of humility, service, and love which is also associated with acts of charity and compassion,” ayon sa RCAM. (Carl Angelo)














