Latest News

Cardinal Advincula: Ash Wednesday, paalala sa mga Katoliko na ang pag-ibig ng Panginoon lang ang totoong forever

By: Jaymel Manuel

Ang pag-ibig ng Panginoon lamang ang totoong forever.

Ito, ayon kay Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, ang siyang ipinaalala ng Ash Wednesday, na natapat rin sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso.

Sa kanyang homiliya sa banal na misa na idinaos sa Manila Cathedral nitong Miyerkules, pinaalalahanan ni Advincula ang mga mananampalataya na mananatili ang pag-ibig ng Panginoon magpakailanman.


“Tayo ang first love ni Lord, and first love never dies. Siya lang ang totoong forever,” bahagi pa ng sermon ng Cardinal.

Ayon kay Advincula, ang pagmamahal ng Panginoon, na kinakatawan ng isang abong hugis-krus na inilalagay sa noo ng mga Katoliko, ay paalala rin sa kanila na ang biyaya ng Panginoon ay walang hanggan.


Aniya pa, “Ang forever ay ang biyaya galing sa langit at ito ang dahilan kaya hugis-krus ang abo na ipapahid sa noo natin. Ang hugis-krus ay paalala sa nag-iisang forever at iyon ang pagmamahal ng Diyos. Pagmamahal na walang-hanggan, pagmamahal na walang pasubali.”

Aniya pa, dapat na manatiling mapagkumbaba ang mga mananampalataya, “Let us not allow the delusions of self-righteousness, self-sufficiency, self-entitlement, and self-grandiosity to eat our hearts and cloud our minds. As the Gospel today reminds us: Let us pray and serve with humility, sincerity, and total dependence on God.”


Paghikayat pa niya, magbalik-loob na ang mga Katoliko sa Panginoon na siya aniyang tanging ‘forever.’

“Ngayong Kwaresma umuwi tayo sa nag-iisang totoong forever. Let us go home into the warm embrace of our loving God,” aniya pa.

Ang Ash Wednesday ay hudyat nang pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma.

Ngayong taon, natapat ito sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso o Valentine’s Day.

Tags: Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula

You May Also Like