Canvassing ng COCs para sa Eleksiyon 2022, tinapos na ng Comelec Winning party-list groups, ipuproklama sa Huwebes ng hapon

Nakatakda nang iproklama ng Commission on Elections (Comelec) na tumatayong mga miyembro ng National Board of Canvassers (NBOC) ngayong Huwebes ng hapon, Mayo 26, ang mga party-list groups na nanalo sa katatapos na May 9 national and local elections.

Itinakda ng Comelec ang proklamasyon sa mga winning party-lists groups dakong alas-4:00 ng hapon ng Huwebes matapos na tuluyan na nilang matapos ang canvassing sa lahat ng 173 certificates of canvass (COCs) para sa 2022 national and local elections nitong Miyerkules ng hapon.


Nauna rito, ipinagpaliban ng Comelec ang proklamasyon sa mga nanalong party-list groups dahil kinailangan pang magdaos ng special elections sa Tubaran, Lanao del Sur, nitong Martes, Mayo 24 dahil sa naganap na failure of elections doon, dulot ng karahasan, intimidasyon at mga pagbabanta.

Kinumpirma naman ni Comelec Commissioner George Garcia na naging matagumpay ang pagdaraos ng special elections sa Lanao del Sur dahil walang anumang karahasan ang naganap at wala ring nagkaaberyang vote counting machine (VCM).

“We were so successful yesterday. Walang untoward incidents, walang kahit anong violence. Walang nareport,” aniya pa.


Pasado alas-4:00 ng madaling araw ng Miyerkules aniya nang matanggap nila ang electronic transmission ng ika-173 at huling COC mula sa Tubaran.

Pagsapit naman ng alas-3:00 ng hapon ay nag-reconvene ang Comelec bilang NBOC, at tinapos ang canvassing.


Kabilang sa mga nangungunang party-list groups na inaasahang maipuproklama na bukas ay ang ACT-CIS, 1-Rider Partylist, Tingog, 4PS, Ako Bicol, at Sagip.

Hindi umano ipuproklama ng Comelec ang mga party-list groups na nanalo sa May 9 national and local elections ngunit may nakabinbin pang disqualification cases sa kanilang tanggapan.


Sinabi ni Garcia na di maaaring magproklama ang Comelec, na tumatayong National Board of Canvassers (NBOC) para sa senatorial at party-list race, ng mga grupong nahaharap pa sa kanselasyon ng registration.

Aniya, kailangan munang maresolba ng poll body ang mga isyung kinakaharap ng mga naturang party-list groups bago sila isyuhan ng certificate of proclamation.

Kung ang kaso ay patungkol lamang sa nominees ay maaari pa ring maiproklama ang party-list group.
“Alam naman natin na noong nakaraan, basta ang disqualification petition ay against sa mismong party-list, hindi tayo nag-i-issue ng certificate of proclamation. Pero kung ang disqualification ay patungkol lang sa nominees, ay nag-i-isue tayo pabor sa party pero hindi sa nominee,” paliwanag ni Garcia.



Matatandaang itinakda na ng Comelec ang proklamasyon sa winning party-list groups bukas, Huwebes, Mayo 26, dakong alas-4:00 ng hapon sa Philippine International Convention Center (PICC) matapos ang konklusyon ng isinagawang canvassing sa katatapos na halalan.

Nabatid na kabilang sa mga party-list groups na may tiyak nang puwesto sa Kongreso ngunit nahaharap sa cancellation cases ay ang Kabataan at Gabriela. (Jaymel Manuel)

Tags: Commission on Elections (Comelec)

You May Also Like