Latest News

Cancer patient na ayaw pagdusahing mag-alaga ang pamilya, tumalon mula 4th floor ng bahay, patay

By: Baby Cuevas

Sa pag-aalalang magdurusa ang kanyang pamilya sa pag-aalaga sa kanya matapos siyang ma-diagnose na may lymphoma cancer ay nagdesisyon ang isang lalaking cancer patient na kitilin na lamang ang sariling buhay.

Dead- on -arrival sa Tondo Medical Center ang lalaking biktima na hindi na pinangalanan at inilarawan na nasa 34 anyos, residente ng Balut, Tondo, Manila, matapos na tumalon umano mula sa ikaapat na palapag ng kanilang tahanan sa Tondo, Manila nitong Miyerkules ng hapon.

Sa imbestigasyon ni PMSg John Levin Zuñiga, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, napag-alaman na dakong alas-2:30 ng hapon nang maganap ang insidente.


Inabutan pa ng kanyang kapatid na lalaki ang biktima na hinahabol ang kanyang paghinga kaya’t mabilis itong isinugod sa pagamutan ngunit hindi na umabot ng buhay.

Pinaniniwalaang ipinasya ng biktima na wakasan ang sariling buhay upang hindi na mahirapan pa ang kanyang pamilya sa pag-aalaga sa kanya.


Bago ang pagpapatiwakal, madalas umanong tanungin ng biktima ang kanyang mga kaanak kung nagsasawa na ba sila sa pag-aalaga sa kanya, na sinasagot naman umano nila ng hindi.

Kaugnay nito ay tumanggi na ang mga kaanak ng biktima na paimbestigahan pa ang insidente dahil sa paniwalang walang foulplay na naganap.


Tags: Manila Police District (MPD)-Homicide Section

You May Also Like