Caloocan-España segment ng NLEX Connector, bukas na; libre pang magagamit ng mga motorista

Magandang balita para sa mga motorista, lalo na sa mga nagtutungo o nagmumula ng Caloocan.

Tuluyan nang binuksan nitong Miyerkules ng hatinggabi ang 5-kilometrong NLEX connector na magdudugtong sa Caloocan at Maynila na, ayon sa Pangulo, ay layuning gawing limang minuto na lang ang biyahe mula Maynila hanggang Caloocan, sa halip na 30 minuto.


Ayon kay NLEX Corporation President J. Luigi Bautista, toll-free muna o libre pang magagamit ng mga motorista ang naturang Caloocan-España segment gn NLEX connector sa limitadong panahon.

Ipinaliwanag ni Bautista na nais muna nilang maranasan muna ng mga motorista ang ginhawang hatid sa paggamit nito.

Magpapalabas na lamang anila sila ng abiso kung kailan sisimulan ang paniningil ng toll doon.


“We are offering free access for a limited period, so motorists can experience for themselves the convenience of using the NLEX Connector,” ani Bautista.

Sakto naman ang pagbubukas ng naturang segment ngayong linggo para sa inaasahang dami ng mga sasakyang bibiyahe ngayong Mahal na Araw.


Nagpaalala na rin ang NLEX na istrikto silang magpapatupad ng speed limit na 60 kilometers per hour (kph) doon para sa mga trucks.

Ang mga kotse, sports utility vehicles (SUVs), mga bus at motorsiklo na may displacement na 400cc pataas, ay mayroong speed limit na 80 kph.


Inaasahang sa tulong ng Caloocan-España segment ay luluwag ang daloy ng trapiko sa España Boulevard, Abad Santos Avenue, Rizal Avenue at Lacson Avenue, habang nagkakaloob ng access sa ilang lugar gaya ng University Belt.

Mismong si Pang. Ferdinand Marcos,Jr. ang nanguna sa pagpapasinaya sa unang bahagi ng naturang 8-kilometrong proyekto ng NLEX Corporation, kung saan kasama sa mga dumalo si Manila Mayor Honey Lacuna. (Baby Cuevas)



Tags: NLEX

You May Also Like