CALAX Silang Interchange segment, bukas na

By: Philip Reyes

Magandang balita dahil pormal nang binuksan sa mga motorista nitong Miyerkules, Nobyembre 8, ang Silang (Aguinaldo) Interchange segment ng Cavite-Laguna Expressway (CALAX) at libre muna itong ipapagamit sa mga motorista.

Sa abiso ng MPCALA Holdings Inc. (MHI), na siyang concessionaire ng CALAX, nabatid na dakong alas-12:00 ng madaling araw nang buksan ang naturang segment.

Ang mas magandang balita ay libre muna itong ipagagamit sa mga motorista hanggat wala pang anunsiyo ng paniningil ng toll fee dito.


Nabatid na ang Silang subsection ng CALAX ay ang ikalima sa walong segments ng naturang toll road, at inaasahang aabot sa 5,000 motorista ang mapagsisilbihan nito araw-araw.

May haba itong 3.9 kilometro na may 2×2 lane expressway mula sa Silang East Interchange hanggang Aguinaldo Highway sa Cavite.

Ayon kay MHI president at general manager Raul Ignacio, sila ay labis na nasasabik sa pagpapalawak pa sa CALAX.

Aniya, bukod sa padadaliin nito ang biyahe ng mga motorista ay makatutulong rin ito sap ag-unlad ng lokal na ekonomiya.


“We’re thrilled about this CALAX expansion, which will not only make life easier for our motorists but also boost the local economy. By providing a quicker and more convenient route to popular destinations in Cavite, we’re creating opportunities for businesses to thrive and for families to make the most of their time together,” ani Ignacio.

Kasabay nito, inianunsiyo rin ng MHI na pagsapit ng taong 2024 ay higit pa nilang palalawakin ang CALAX, sa kabuuang 45 kilometro.

Anila, magkakaroon ito ng walong interchange, kabilang ang Technopark, Laguna Boulevard, Santa Rosa-Tagaytay Road, Silang East, Silang (Aguinaldo), Governor’s Drive, Open Canal, at Kawit Interchange.

Malaunan ay ikokonekta rin umano nila ang CALAX sa Manila-Cavite Expressway (CAVITEX) sa Kawit.


Tags: CALAX

You May Also Like

Most Read