Businessmen pabor sa death penalty sa mga kidnappers… KASO NG DINUKOT AT PINATAY NA STEEL MAGNATE TUTUKAN NG PNP

By: Victor Baldemor Ruiz

KASUNOD ng panawagan mula sa malalaking grupo ng mga mangangalakal at negosyante ng katarungan para sa dinukot at pinatay na steel magnate na si Anson Que at drayber nitong si Armanie Pabillo ay tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police na hindi nila tutulugan ang kaso .

Ayon sa pambansang kapulisan, mismong si PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang tumututok sa imbestigasyon hinggil sa pagdukot at pagpatay sa Chinese businessman na si Anson Que at kanyang driver.


Ipinarating din ng PNP sa buong Filipino-Chinese community na hindi patatagalin ang imbestigasyon sa naturang krimen.

Ayon kay PNP spokesperson PBGen. Jean Fajardo, bahagi ng hakbang ng PNP ay ang pagpapalakas ng intelligence-driven operations upang matukoy ang grupong posibleng nasa likod ng pagdukot.

Nabatid na bukod sa kidnap- for- ransom angle ay may iba pang motibong tinututukan ang kapulisan kabilang na ang anggulong may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operation o POGO.


Kaugnay nito ay hinimok din ng PNP ang Filipino-Chinese community na makipagtulungan sa imbestigasyon.

Kahapon ay nakipagpulong si Marbil sa mga lider ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) kaugnay sa sunod-sunod na kaso ng pagkidnap at pagpatay sa ilang Chinese nationals sa bansa.


Sa gitna ng tumitinding pangamba ng Filipino-Chinese community, tiniyak ni Marbil na buo ang aksyon ng PNP upang tugisin at pananagutin ang mga nasa likod ng karumal-dumal na krimen.

Nagkasundo rin ang PNP at FFCCCII na bumuo ng mas matibay na ugnayan sa seguridad tulad ng mas mahigpit na pagbabantay sa mga negosyo, mas malawak na surveillance, hanggang sa pagbibigay ng safety briefings sa mga miyembro ng Chinese community.


Kamakalawa ay naglabas ng pahayag ang mga malalaking negosyante na kasapi ng FFCCII ; Philippine Chamber of Commerce and Industry, at CII maging ang mga kasapi ng PhilExport na kailangan ma resolba sa lalong madaling panahon ang mga kaso na umano’y yumuyurak sa kaluluwa ng ating bayan, isang malupit na pagsira sa dangal ng sangkatauhan at isang hayagang pagsalungat sa mga batayang prinsipyo ng katarungan, kagandahang-asal,at kapayapaan na siyang bumubuklod sa atin bilang lipunan.

Giit ng Pambansang Pulisya, hindi sila titigil hanggat hindi mapapanagot ang mga nasa likod ng krimen upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente sa hinaharap.

Magugunitang nagbabala pa ang mga mangangalakal sa matinding epekto sa mga mamumuhunan o investor maging sa turismo na pinangangambahang malulugmok bukod sa epekto sa mga pamilya na natutulog na may takot at pangamba sa gabi.kaya pabor din umano sila sa pagbabalik ng death penalty sa mga heinous crime gaya ng kidnap-for-ransom.



Dapat umanong wakasan na ang kultura ng kawalang-parusa na nagpapalakas ng loob sa mga kriminal.

Tags: Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII)

You May Also Like