CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Naiwasan ang posibilidad na pagdanak ng dugo nang madiskubre at napigilan ng mga alagad ng batas ang tangkang pagpapasabog ng apat na improvised explosive device sa bisinidad ng Husky Terminal, sa Rosary Heights 10, Cotabato City.
Ayon sa ulat , narekober ng military at pulis ang apat na pampasabog na nakasilid sa kahon na may kasamang dalawang cellphone.
Sinasabing nakatawag pansin sa mga staff at security guard ang nadinig na putok ng baril sa area.
Agad silang humingi ng tulong mula sa Esteros Detachment ng 1404th RMFC, Regional Mobile Force Battalion 14.
Sa pahayag ni Major General Alex Rillera, Commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, walang naitalang nasaktan at kasalukuyang nang inaalam ngayon ang motibo sa likod ng nasabing insidente.
“Ang inyong AFP at PNP ay agad na rumesponde upang ikordon ang lugar bilang pre-emptive security measure at na-disrupt naman ng CCPO-EOD K9 ng PNP ang mga IED. Sama-sama namang nag-imbestiga ang 6MIB at MBLT5 sa koordinasyon ng lokal na PNP sa pinangyarihan upang mahanap ang iba pang posibleng IED’s na itinago sa kalapit na lugar”, pahayag ni Maj. Gen. Rillera.
Umapela din ang JTFC at 6ID Commander ng kooperasyon ng publiko para maiwasang maulit ang ganitong insidente.
“Ang epekto ng IED ay lubhang mapanganib sa buhay ng tao, kaya huwag kayong mag-atubiling isumbong kaagad sa ating kasundaluhan at pulisya ang anumang bagay na pinaghihinalaan o tao na pinagdududahan para sa kaligtasan ng lahat”, dagdag pa nito.