Sinimulan na ng National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang serye ng pambobomba sa Yellow Bus Line, Inc. (YBLI), Mindanao Star Bus, Rural Tours sa Mindanao.
Ayon kay NBI Director Eric Distor ,may naganap na anim na insidente ng pagbomba sa ilang bus line sa Mindanao sa nakalipas na dalawang taon.
Nabatid na mismong si Distor ang mangunguna sa imbestigasyon at nanawagan rin siya sa mga Regional Directors at iba pang opisyal na makibahagi sa imbestigasyon.
Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na extortion at terorismo ang tinitingnang motibo sa pagtatanim ng bomba sa mga bus lines.
Nalaman na nagsimula ang serye ng bus bombings noon Enero 7,2021 sa pamamagitan ng isang bomb threat at extortion na ipinadala sa tanggapan ng YBLI Koronadal City, South Cotabato.
Nabatid na makalipas ang 20 araw,isang bus rin ng YBLI bus no 2988 ang may sumabog na bomba matapos na mag-stopover sa National Highway, Crossing Sibsib, Tulunan, North Cotabato.
Nasawi ang isang sibilyan at apat ang nasugatan sa insidente.
Noong Hunyo 4,2021 isang YBL1 bus no.A-104 naman ang sinunog sa
M’Lang, North Cotabato, kung saan tatlong sibilyan ang nasawi habang anim ang nasugatan.
Kaugnay nito, ngayong 2022 ay apat na bus naman ang pinasabog sa magkakahiwalay na.lugar sa Mindanao.
Noong Enero 11,2022 ,isang Mindanao Star bus ang tinaniman ng bomba sa Aleosan, North Cotabato ,kung saan isang 5-anyos na paslit ang nasawi at 3 ang nasugatan.
Nabatid na noong Abril 24,2022 ay isang bus ng Rural Tours Bus ang sumabog sa Parang, Maguindanao kung saan tatlong.pasahero ang nasugatan at noong Mayo 26 ,dalawang magkahiwalay na pagsabog naman ang nambiktima ng 2 bus ng YBLI. (Jantzen Tan)